Limang katao ang nasugatan matapos masunog ang isang wing van kasunod ng banggaan nito sa isang trailer truck sa Purok 1, Barangay San Luis, Diadi, Nueva Vizcaya nitong tanghali ng Abril 11.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO1 Ernesto Pinonwangan Jr., Officer-in-Charge ng Bureau of Fire Protection (BFP) Diadi, sinabi nito na bandang alas-12:50 ng tanghali nang matanggap nila ang ulat hinggil sa nasusunog na sasakyan sa nasabing lugar.
Agad namang rumesponde ang mga bumbero subalit pagdating sa pinangyarihan ay malakas na ang apoy kaya’t nagsagawa sila ng firefighting operations at humingi ng augmentation mula sa kalapit na fire station.
Dahil sa paghingi ng karagdagang puwersa, inilarawan ang insidente bilang second alarm fire.
Ayon sa imbestigasyon, ang wing van na patungong southbound ang siyang nasunog matapos makabanggaan ang isang trailer truck na patungong northbound.
Dalawang indibidwam mula sa nasunog na sasakyan at tatlo mula sa kabilang truck na nakabanggaan nito na agad namang dinala sa pinakamalapit na ospital.
Batay sa ulat, nakalabas agad ang mga sakay ng nasunog na sasakyan habang ang isa sa mga biktima ay naipit ang paa at tinulungan ng mga residente upang mailigtas.
Mahigit isang oras namang inabot bago tuluyang makontrol ang sunog dahil sa kargamento ng sasakyan na mga rolyo ng papel na madaling magliyab.Tinatayang aabot sa mahigit isang milyong piso ang pinsala sa nasunog na sasakyan.
Samantala, naging maayos naman ang koordinasyon ng BFP sa Philippine National Police na tumulong sa traffic control at crowd management habang ang MDRRMO naman ang umalalay sa rescue operations.
Sa ngayon ay patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng sunog at eksaktong sanhi ng insidente.
Paalala naman ni SFO1 Pinonwangan sa publiko na tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe at agad iulat sa mga otoridad ang anumang insidente ng sunog upang mapabilis ang responde.











