
Naghahanda umano ang Beijing na magpapadala ng mga shoulder-fired anti-air missile systems (MANPADs) patungong Iran, sa kabila ng kasalukuyang tigil-putukan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Mariing itinanggi ng embahada ng China sa Washington ang ulat, sinasabing “China has never provided weapons to any party to the conflict; the information in question is untrue.”
Dagdag pa nila, bilang isang “responsableng bansa,” patuloy nilang tinutupad ang kanilang internasyonal na obligasyon at nananawagan sa U.S. na huwag maglabas ng walang basehang paratang.
Matatandaan na nabanggit ni Pangulong Donald Trump sa isang press conference na ang F-15 fighter jet na na-shoot down sa Iran ay tinamaan ng isang handheld heat-seeking missile subalit hindi malinaw kung ito ay gawa ng China.
Ang paglipat ng MANPADs, kung totoo, ay magmamarka ng mas mataas na antas ng suporta ng Beijing sa Iran mula nang magsimula ang kampanyang militar ng U.S. at Israel noong Pebrero.
Nakatakda namang bumisita si Pangulong Trump sa China sa susunod na buwan para sa pag-uusap kasama si Pangulong Xi Jinping.
Sa ngayon nanatiling neutral ang Beijing habang pinapangalagaan ang relasyon nito sa Iran, na pangunahing pinagmumulan ng langis ng China.










