CAUAYAN CITY – Limang menor de edad ang naaresto sa magkakahiwalay na drug buy-bust operation na isinagawa ng Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO).
Sa Buenavista, Santiago City ay nahuli ang dalawang menor de edad na sina alyas Jay-R, 17 anyos at residente ng Mabini, Santiago City at alyas Jae, 15 anyos, residente ng Greenland Subdivision sa Plaridel,Santiago City.
Nakabili ang pulis na nagpanggap na poseur/buyer ng isang sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng Marijuana kapalit ng 500 pesos.
Sumunod na nadakip ng mga otoridad ang tatlong magpipinsang menor de edad sa Calaocan, Santiago City.
Ang mga inaresto ay sina alyas Chapo, 17 anyos at residente ng Mabini, Santiago City; alyas Nash, 16 anyos, residente ng Calaocan, Santiago City at alyas John, 16 anyos, residente ng Victory Sur, Santiago City.
Nahuli sa aktong pagtutulak ng hinihinalang dahon ng Marijuana ang tatlo sa isang pulis na nagpanggap na poseur/buyer.
Nakuha rin sa kanilang pag-iingat pangunahin kay alyas Chapo ang isang Caliber 38 na may tatlong bala.
Ayon kay alyas Chapo, galing sa Tabuk City, Kalinga ang mga ibinebenta nilang Marijuana at sumasakay siya sa mga trucking.
Nagagawa umano nilang magbenta ng illegal na droga dahil sa pangangailangang pinansyal.
Ang mga naaresto sa drug buy-bust operation ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban kay alyas Chapo.