CAUAYAN CITY- Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station para mapasuko ang dalawa pang menor de edad na kasama ng tatlong menor de edad na una nang nadakip dahil sa pagnanakaw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Insp. Benigno Asuncion, Deputy Chief of Police ng Cauayan City Police Station na ibinunyag ng isa sa kanilang nadakip ang pagkakilanlan ng dalawa pa umano nilang kasamahan.
Anya kinausap na nila ang pamilya isa sa mga hindi pa nahuhuli at inaasahang idadala nila ang kanilang anak sa himpilan ng pulisya.
Anya kakausapin din nila ang mga magulang ng suspek upang malaman nila ang pinaggagawa ng kanilang mga anak.
Pinaniniwalaang dahil sa hilig sa pagko- computer kung kayat nagagawa ng mga naturang menor de edad ang magnakaw para magamit sa pagko-computer.
Dati na rin umanong pinagsabihan ang isa sa kanila upang itigil na ang kanilang gawain.
Magugunitang, nahuli ang tatlong menor de edad na may kaugnayan sa mga serye ng pagnanakaw sa iba’t ibang barangay ng Cauayan City.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang mga cellphone na may kabuoang P/30,000.00, mga relong nagkakahalaga ng P/20,000.00, mga alahas, mountain bike na nagkakahalaga ng P/250,000.00 at iba pa.
Dalawa sa mga nahuli ay tubong Nueva Ecija habang ang isa ay tubong Cauayan City.
Nagsampa na ng kaso ang mga biktima laban sa mga menor de edad.




