--Ads--

Hindi bababa sa limang katao ang nasawi matapos mag-overshoot sa runway ang isang Amazon cargo plane habang lumalapag sa Miami International Airport nitong Linggo.

Matapos mag-overshoot, bumangga ang eroplano sa ilang sasakyan bago ito nasunog.

Tatlong katao ang isinugod sa mga trauma center at nasa kritikal na kondisyon, habang dalawa pa ang ginamot sa isang lokal na ospital.

Kinailangan ding magsagawa ng komplikadong rescue operation matapos ma-trap ang ilang biktima sa mga sasakyang tinamaan ng eroplano, gayundin ang pilot at co-pilot na na-trap sa loob ng aircraft.

--Ads--

Ang eroplanong sangkot ay isang Boeing 767-300 na nagsisilbi sa Prime Air Flight 7598. Dumating ito mula San Juan, Puerto Rico at lumapag sa Miami International Airport dakong alas-dos ng hapon.

Agad na rumesponde ang nasa 60 fire apparatus at halos 200 tauhan ng Miami-Dade Fire Rescue para sa search and rescue operation at pag-apula ng apoy.

Dahil sa insidente, isinara ng airport ang lahat ng runway at taxiway at pinayuhan ang mga biyahero na makipag-ugnayan muna sa kanilang airline bago magtungo sa paliparan.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Federal Aviation Administration o FAA at National Transportation Safety Board o NTSB ang sanhi ng insidente.