Naghain ng resolusyon ang limang senador mula sa bagong Senate minority bloc upang himukin si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad. Ito ay matapos maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya kaugnay ng kontrobersyal na “war on drugs.”
Sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 395 na may petsang Mayo 12, 2026, iginiit nina Senators Francis Pangilinan, Vicente Sotto III, Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, at Bam Aquino na dapat pairalin ang pananagutan at pagkilala sa proseso ng batas.
Ayon sa resolusyon, ang Senado ay may kasaysayan ng paggalang sa mga prosesong hudisyal at prosekusyon na kinasasangkutan ng sarili nitong mga miyembro. Binanggit nila bilang halimbawa ang boluntaryong pagsuko noon nina dating Senador Juan Ponce Enrile, ang pagharap sa batas ni dating Senador Leila de Lima, at ang mga legal na hakbang na ginawa ni dating Senador Antonio Trillanes IV.
Binigyang-diin din ng mga senador na ang Senado ay walang konstitusyonal o legal na kapangyarihan para magbigay ng “protective custody” o gawing kanlungan ang gusali laban sa legal na pag-aresto o pagsuko.
Kasalukuyang nasa loob ng gusali ng Senado si Dela Rosa sa ilalim ng “protective custody” habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa kanyang petisyon para sa isang Temporary Restraining Order (TRO) laban sa warrant ng ICC.
Matatandaang noong Lunes ay biglang lumitaw si Dela Rosa sa Senado matapos ang anim na buwang pagtatago. Nakuhanan pa sa CCTV ang pagmamadali ng senador patungo sa plenary hall para iwasan ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) na naka-sibilyan at nagtatangkang magsilbi ng warrant.
Dahil dito, kinitay ng Senado ang mga ahente ng NBI sa contempt at pansamantalang ipinailalim sa kustodiya bago ibinalik sa kanilang mother agency.
Sa kabila ng panawagan ng minorya, sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na rerespetuhin niya ang desisyon ni Dela Rosa na manatili sa Senado hangga’t hindi pa nauubos ang lahat ng kanyang legal na remedyo sa mga korte sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Cayetano, ito ay isang mahalagang “test case” para sa bansa dahil usapin ito ng hurisdiksyon ng Saligang Batas ng Pilipinas laban sa isang dayuhang hukuman.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Dela Rosa sa nasabing resolusyon sa dahilang hindi pa raw niya ito nababasa nang buo.











