--Ads--
Hindi bababa sa 54 Pilipino sa Israel ang nagpahayag ng kagustuhang makauwi sa Pilipinas dahil sa patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola nitong Lunes, kabilang sa mga humiling ng repatriation ang 32 turista at 22 overseas Filipino worker.
Isa sa pinakamalaking hamon ayon sa kanya ang kakulangan ng mga flight papasok at palabas ng Israel, ngunit tiniyak ni Mendiola na nakikipag-ugnayan na siya sa Ministry of Tourism ng Israel upang maisaayos ang kanilang pag-uwi.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs, tinatayang may 2.5 milyong Pilipino sa rehiyon ng Middle East, karamihan sa United Arab Emirates, Saudi Arabia, at Qatar, habang may 800 naman ang nasa Iran.
--Ads--











