
CAUAYAN CITY – Dinomena ng isang limamput-pitong taong gulang na atleta ng Meycauyan, Bulacan ang 10,000-meter run para sa 55yrs old and above senior category na unang larong isinagawa kaninang umaga sa pagsisimula ng ICTSI Philippine Athletics Championship.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Efren Sugalan Champion sa 10,000 meter run at residente ng Meycauayan Bulacan sinabi niya na dahil sa kanyang panalo ay kwalipikado na siya sa SEA Games.
Aniya nagbunga ang kanyang pag-eensayo kaya pinaalalahanan niya ang kanyang kapwa manlalaro na laging magpraktis at dedikasyon ang kailangan upang maabot ang kanilang pinapangarap na gintong medalya.
Hindi dapat nawawala ang gigil na manalo sa laro anuman ang edad.
Umaasa naman si Ginong Sugalan na ngayon ay makakapasa na siya sa SEA Games dahil sa tagal niyang tumatakbo ay hindi siya  nakakapasa sa requirement bilang pambato ng Pilipinas.
Samantala pahirapan naman ngayon ang komunikasyon sa ilang foreign delegates dahil ang ilan sa mga ito ay hindi nakakapagsalita ng ingles.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Liason Officer Mary Jane Ubay ng Team Vietnam sinabi niya na malaking hamon sa kanila ang pakikipag-usap sa ilang dayuhang manlalaro dahil hindi sila bihasa sa paggamit ng English.
Aniya kailangan pa nilang gumamit ng mobile translator upang makipagkomunikasyon sa ibang manlalaro na nagreresulta ng matagal na komunikasyon lalo na kung marami ang kailangan nilang sabihin.
Ang ginagawa na lamang umano nila ay sinasamahan sa lahat ng kompetisyon upang malaman kung ano ang kanilang kailangan.










