--Ads--

Tinatayang 58 na karagdagang pwersa ng mga pulis ang ipinadala sa PNP Echague bilang augmentation o dagdag na tauhan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Deputy Chief of Police PCapt. Ivy Barrera ng PNP Echague, sinabi niya na nag-request sila ng karagdagang tauhan upang matiyak ang kaligtasan ng mga delegado, residente, at iba pang dadalo sa aktibidad.

Ang 58 augmentation personnel ay nagmula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Isabela, kabilang ang Alicia at Cauayan.

Samantala, may 47 personnel na nakatalaga mismo sa Echague Police Station upang tumulong sa seguridad sa buong bayan. Kabilang sa pangunahing binabantayan ng kapulisan ang 19 billeting areas, kung saan nakatalaga ang tig-dalawang pulis sa bawat lugar.

--Ads--

May tig-dalawang pulis din na itinalaga sa walong venues na pagdarausan ng mga paligsahan. Kabilang sa mga lugar na pagdarausan ng mga laro ang San Fabian, gayundin ang ilang lugar sa Cabugao at Silauan.

Isinagawa na rin noong Huwebes ng hapon ang coordination meeting ng iba’t ibang ahensya upang malinaw na matukoy ang kanilang mga tungkulin at deployment areas sa panahon ng ISPAA 2026.

Kasama sa security at emergency response ang Bureau of Fire Protection, rescue personnel, NDRRMO, at mga barangay tanod, na magsisilbing auxiliary force ng kapulisan.

Ayon sa pulisya, 24 oras o 24/7 ang pagbabantay sa mga billeting areas, katuwang ang mga barangay tanod.

Bukod sa ISPAA, mahigpit din ang seguridad para sa celebrity concert na inaasahang dadaluhan ng maraming residente mula sa mga karatig-bayan.

May 12 pulis na permanenteng nakatalaga sa mismong venue ng concert, bukod pa sa mga mobile personnel na iikot upang mag-monitor sa paligid at matiyak na ligtas ang mga dumalo.

Pinaalalahanan naman ng pulisya ang publiko na panatilihin ang disiplina at sumunod sa mga itinakdang patakaran upang maiwasan ang anumang insidente.