CAUAYAN CITY – Ipinasakamay na sa Phlippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2 ang mahigit isang kilo ng cocaine na tinatayang 6 million pesos ang halaga na natagpuan ng mangingisda sa baybayin ng Dituwangan, Bicobia, Divilacan, Isabela.
Ang illegal drugs ay nabalot ng rubberized plastic bag na may brown packaging tape at naglalaman ng powder substance.
Ito ay isinuko ng mga mangingisda sa Naval Intelligence and Security Group – Northern Luzon (NISG-GL) na siya namang nagpasakamay sa Divilacan Police Station.
Ang narecover na cocaine ay agad dinala ni PCapt Geriyell Frogoso, hepe ng Divilacan Police Station sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) na siyang nagturn over sa PDEA Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt Frogoso na lumabas sa field testing ni PDEA Chemist Jomar Concepcion na positibong cocaine ang narecover ng mga mangingisda na may bigat na 1.4 kilogram.
Malalaman ngayong araw ang resulta ng pagsusuri kung high grade cocaine o hindi ang narecover na illegal drugs.
Ayon kay PCapt Frogoso, aware ang mga tao sa lugar hinggil sa illegal na droga at ang masamang epekto nito sa kalusugan kaya ipinasakamay nila sa mga otoridad ang kanilang natagpuan sa karagatan.
















