Arestado ang anim na pulis mula sa Manila Police District matapos umanong masangkot sa panghoholdap sa Makati City.
Naganap ang insidente sa Arsonvel St., Barangay San Isidro, bandang alas-8 kagabi, Enero 28. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, dalawang babae mula Malate, Manila ang nag-imbita sa mga biktima papuntang Makati upang kunin ang kanilang mga gamit. Pagdating sa lugar, hinarang sila ng isang grupo ng mga armadong lalaki.
Tinutukan ng baril ang mga biktima, pinadapa ang isa sa kanila, tinalian ang kanilang mga kamay, at kinuha ang kanilang mga personal na kagamitan. Pagkatapos ng insidente, tumakas ang mga suspek sakay ng mga motorsiklo.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang Makati City Police, na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na pinaghihinalaang suspek, kabilang ang isang police sergeant, isang police corporal, at apat na patrolman.
Kasulukuyan nang nasa kustodiya ng Makati City Police ang mga naaresto habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.











