CAUAYAN CITY – Ang yumaong si Sangguniang Panlunsod Member Reynaldo “Rene” Uy ay papalitan ng kanyang ikalawang anak na si Barangay Kagawad Ariel Kenneth “Balong” Uy ng District 1, Cauayan City.
Sa ginanap na regular session kahapon ng Sangguniang Panlunsod ng Cauayan ay binasa ni SP Member Cynthia Uy-Balayan ang isang resolusyon na nag-eendorso sa appointment ng papalit sa puwestong nabakante ni yumaong SP Member Rene Uy.
Nakasaad aniya sa chapter 2, section 45, paragraph C ng Local Government Code na kailangang mapalitan na agad ang nabakanteng puwesto sa Sangguniang Panglunsod.
Nakasaad din sa chapter 2, section 44 na maglilingkod ang papalit hanggang matapos ang termino ng kanyang pinalitan.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Balayan, sinabi niya na ang pagpili kay Barangay Kagawad Balong Uy ay napagkasunduan ng kanilang pamilya.
Napili ang kanyang ikalawang anak dahil ito ang gusto ng yumaong SP Member na kapag natapos ang kanyang termino ay nais niyang ang papalit sa kanya ang ikalawang anak.
Matatandaang pumanaw si SP Member Rene Uy noong unang araw ng Oktubre 2019 sa isang ospital sa Metro Manila dahil sa kanyang karamdaman.
Ayon pa kay SP member Balayan, nakahanda si Barangay Kagawad Balong Uy sa nasabing posisyon.
Photo Credit: Barangay kagawad Balong Uy FB