
CAUAYAN CITY – Sa kabila ng mandatory evacuation na ipinatutupad sa mga bayan sa Batangas na malapit sa bulkang Taal ay may mga pamilya na nagmamatigas pa ring lumikas sa mas ligtas na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO2 Mark Anthony Martin, Information Officer ng Bureau of Fire protection (BFP) sa Laurel, Batangas, sinabi niya na nahihirapan sila sa pagsuyod sa ilang barangay sa Laurel lalo na ang malapit sa bulkang Taal dahil bukod sa rough road ay makipot pa ang daan at hindi makadaan ang mga truck ng militar.
Ang mga nakarating sa naturang mga lugar ay mga volunteer na motorcycle riders.
Ayon kay FO2 Martin, may mga pamilya na nagmamatigas pa ring lumikas ngunit nagbabago ang kanilang isip at nagpaparescue kapag may mga pagyanig at makapal na usok na lumalabas sa bulkan.
Libu-libong pamilya sa Laurel ang nailikas na nila sa mga ligtas na lugar sa Nasugbu, Ibaan at Calaca, Batangas maging sa Alfonso, Cavite.
Ayon kay FO2 Martin, sa ngayon ay kalmado at maaliwas ang papawirin sa Laurel, Batangas ngunit makapal ang naipong abo na umaabot sa 3 inches at ghost town na ang Laurel dahil sa paglikas ng mga tao sa ibang lugar.










