CAUAYAN CITY – Umabot sa 1 billion pesos ang halaga ng imprastraktura na napinsala sa bagyong Ulysses sa Isabela habang sa agrikultura ay 143,981,492.
Naitala rin ang tatlong nasawi at dalawa ang patuloy na hinahanap dahil sa pagbaha na dulot ng bagyo.
Tinatayang 84,000 na pamilya ang naapektuhan ng pagbaha mula sa 370 na barangay sa Isabela.
Nananatili sa mga evacuation center ang 3,344 families na katumbas ng 9,864 na individual at libu-libo rin ang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak.
Samantala, patuloy na namamahagi ng mga pagkain at inuming tubig sa mga residente na naapektuhan ng pagbaha sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ret. BGen Jimmy Rivera, PDRRM Officer na walang tigil ang kanilang pamamahagi ng tulong sa mga mamamayan.
Dumating na rin sa Isabela ang mga relief goods na galing sa lalawigan ng Quirino at ilang Non-Government Organizations (NGO’s).
Mayroon pang darating na tulong mula sa ibang lalawigan habang nagkaloob na rin ng tulong sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President leni Robredo.
Sinabi pa ni Ret BGen Rivera na 8 na barangay pa ang isolated sa Santo Tomas, 6 sa Cabagan, 7 sa Tumauini at may ilang barangay din sa bayan ng Santa Maria, Isabela.
Tiniyak ni Rivera na sapat ang mga ibabahaging tulong sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha dahil sa napakaraming lalawigan ang nagbibigay ng tulong.
Hindi pa pababalikin sa kanilang mga bahay ang ilang naapektuhan ng pagbaha hanggat hindi pa natitiyak ang kanilang kaligtasan maging ang maganda nilang kalusugan.










