Sumampa na sa walo ang napaulat na nasawi dahil sa epekto ng shear line sa Davao Region, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo , Pebrero 22.
Ayon kay Director Ednar Dayanghirang ng OCD Region XI, apat sa mga nasawi ay mula sa Davao de Oro, habang ang ilan ay naitala sa Davao Oriental.
Aniya na ang mga biktima ay pawang namatay dahil sa landslide.
Samantala, mahigit 20,000 na pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon sa Davao de Oro. Ang ilang mga tulay at kalsada sa rehiyon ay nasira dahil sa malalakas na pag-ulan.
Ayon kay Dayanghirang, umabot sa P376 milyong halaga ng pinsala sa agrikultura ang naitala sa Davao de Oro. Hiniling din niya ang pagpapabuti ng sistema ng paagusan ng tubig sa lokalidad upang matugunan ang problema sa pagbaha sa lugar.
Sa Caraga, mahigit 60,000 na pamilya ang naapektuhan ng shear line, ayon kay Carlo Becera, information officer ng OCD Caraga Region.











