Tinangay ng mga kawatan ang walong sako ng palay sa Brgy. Amobocan, Cauayan City, ayon sa may-ari na si Ginoong Claro Viernes Quilang Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Quilang na nangyari ang insidente gabi ng Araw ng Sabado, nang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng kolong-kolong, ninakaw ang walong sako ng palay na kakabilad lamang.
Aniya, marami pang ibang magsasaka ang may mga palay na ibinibilad sa lugar, ngunit siya lamang ang pinagnakawan ng mga kawatan. Maaaring ito ang pinili ng mga suspek dahil sa laki o bigat ng sako na kasya sa kanilang sasakyan.
Ayon sa kanya, nasa humigit-kumulang tatlumpung sako ng ani niyang palay ang nasa lugar na medyo may kalayuan sa kabahayan, ngunit maliwanag ang paligid dahil sa mga naka-install na solar lights, kaya ikinagulat niya na nagawa pa rin nilang magnakaw sa kabila ng liwanag sa lugar.
Matapos malaman ang insidente, nakipag-ugnayan siya sa Brgy. San Antonio, kung saan mayroong malinaw na CCTV footage ng mga suspek, at umaasang makikilala ang mga ito.
Mayroon ding mga nakasalubong sa mga suspek, ngunit hindi naman nila alam na ninakaw pala ang mga saku-sakong palay na karga nila.
Ito naman ang unang pagkakataon na naranasan ni Ginoong Quilang na manakawan ng aning palay. Idinagdag niya na ilang sako sana rito ay gagamitin bilang binhi sa susunod na cropping season, kaya labis ang kanilang pagkalungkot sa pangyayari.
Umaasa siya na matutukoy ang mga nagnakaw upang mabawi ang mga palay at managot sa batas ang mga suspek.
Bilang paalala sa ibang magsasaka, pinayuhan niya ang lahat na maging mapagmatyag at huwag basta iiwan ang mga ibinilad na ani nang walang nagbabantay upang maiwasan ang katulad na insidente.











