CAUAYAN CITY – Walumpu’t dalawang Local Government Units (LGU) na sa region 2 ang nakatanggap ng kanilang pondo para sa implementasyon ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Chester Trinidad, information officer ng DSWD Region 2, sinabi niya na mula sa 93 LGUs sa rehiyon ay 82 na ang nabigyan ng pondo para sa implementasyon ng SAP.
Ang 11 na natitira ay 6 ang mula sa Batanes at 5 naman ang mula sa Cagayan.
Lahat naman aniya ng mga LGUs sa Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya ay nakuha na ang kanilang pondo at sa ngayon ay 36 na LGUs na ang kasalukuyang nagpepay-out.
19 ang mula sa Isabela, 8 sa Nueva Vizcaya, 7 sa Cagayan at 2 sa Quirino.
Gayunman, halos 10% pa lamang ang mga LGUs na nakapagbigay na ng assistance.
Ayon kay Ginoong Trinidad, mahigit 57,000 na ang benepisaryo sa apat na lalawigan sa rehiyon at halos P300-M na rin ang kanilang naipapamigay na pondo.
Puntirya aniya nila itong matapos bago matapos ang buwan ng Abril.
Tiniyak naman nito na namomonitor ang pamamahagi ng ayuda sa mga kuwalipikadong benepisaryo.
Samantala, hiniling ni Trinidad ang kooperasyon ng lahat para maibigay sa mga karapat dapat ang tulong na ito ng pamahalaan.
Nanawagan din siya sa publiko na huwag basta-basta maniniwala sa kanilang mga nababasa at nakikita kung wala naman itong berepikasyon mula sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Kung mayroon man aniyang katanungan ay maari lamang na sumangguni sa kanilang social media account.











