Patay ang siyam na Palestino, kabilang ang tatlong bata, matapos ang magkahiwalay na airstrike ng Israel sa Gaza City nitong Sabado, ayon sa mga opisyal ng ospital.
Ayon kay Mohammed Abu Selmiya, direktor ng Shifa Hospital, lima sa mga nasawi ay mula sa isang apartment sa Nasr neighborhood. Kabilang sa mga ito ang tatlong bata na may edad 8 hanggang 18 taong gulang. Anim na iba pa ang nasugatan, kabilang ang apat na bata.
Sa pahayag ng Israeli military, target umano ng kanilang operasyon ang imprastraktura ng Hamas at mga militanteng umano’y nasa lugar.
Sa hiwalay na airstrike sa Zeitoun neighborhood, apat pang Palestino ang nasawi habang isa ang kritikal na nasugatan, ayon sa mga opisyal ng kalusugan.
Sinabi ng Israeli military na isang miyembro umano ng Hamas ang kanilang pinuntirya at iniimbestigahan pa nila ang naging resulta ng naturang pag-atake.
Iniulat ng mga residente ng Gaza ang pagdami ng mga airstrike ng Israel sa nakalipas na mga araw sa kabila ng umiiral na tigil-putukan na napagkasunduan noong Oktubre sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ayon sa Gaza Health Ministry, umabot na sa 1,127 Palestino, kabilang ang hindi bababa sa 260 bata, ang nasawi mula nang magsimula ang ceasefire. Samantala, limang sundalong Israeli naman ang naiulat na nasawi sa parehong panahon.
Nagsimula ang digmaan matapos ang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, na ikinasawi ng tinatayang 1,200 katao sa Israel at ikinabihag ng 251 iba pa.
Sa pinakahuling datos ng Gaza Health Ministry, umabot na sa 73,250 Palestino ang nasawi sa opensibang isinagawa ng Israel. Ayon sa ministeryo, hindi nito pinag-iiba ang bilang ng mga sibilyan at mga mandirigma, ngunit sinasabing halos kalahati ng mga nasawi ay kababaihan at mga bata.











