--Ads--

Inaasahang aaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ngayong hapon ang siyam na panukalang batas at isang resolusyon habang pansamantalang itinitigil ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang magsagawa ng legislative session bago ang isang buwang adjournment.

Batay sa legislative agenda na ibinahagi ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, kabilang sa mga inaasahang maaaprubahan ang mga panukalang naglalayong protektahan ang mga bata laban sa high-risk digital services, magtatag ng komprehensibong reintegration program para sa Overseas Filipino Workers o OFWs, at palakasin ang pagpapatupad ng socialized housing projects.

Kasama rin sa mga tatalakayin ang institutionalization ng Philippine Bamboo Industry Development Program, pagdedeklara ng unang Lunes ng Agosto bilang National Line Workers Appreciation Day, at pagbibigay ng mandatory insurance coverage at iba pang benepisyo para sa mga line worker.

Inaasahan ding maaaprubahan ang mga panukala para sa rental housing subsidy program, pagpapalawak ng access sa abot-kayang paupahang pabahay para sa mga mahihirap at low-income households, at pagkakaltas sa ilang housing obligations ng mga kwalipikadong biktima ng kalamidad.

--Ads--

Kabilang din sa agenda ang Senate Resolution No. 650 na nagbibigay ng pagsang-ayon sa ratipikasyon ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at France hinggil sa status ng visiting forces ng dalawang bansa.

Samantala, nakatakda ring ratipikahan ng Senado ang dalawang bicameral conference committee reports para sa Presidential Merit Scholarship Programs Act at Condominium Redevelopment Act.

Matatandaang nakatakdang mag-adjourn ang Senado mula Oktubre 10 hanggang Nobyembre 8.