--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang miyembro ng kulto sa Kenya na tumakas ang nakapagsumbong sa mga otoridad kaya natuklasan ang ginagawa ng kanilang lider na hinihikayat ang kanilang miyembro na magpakagutom hanggang sa sila ay mamatay.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Roger Reyes Jr. na umabot na sa 96 na tao kabilang ang mga bata ang nasawi dahil sa pagkagutom.

May isang miyembro ng kulto na hindi natagalan ang pamamalakad ang tumakas at nagsumbong sa mga otoridad.

Ibinunyag nito na noon pang 2017 ay may nahihikayat na magpakagutom hanggang mamatay dahil sa sinasabi ng kanilang lider na kapag sila ay namatay sa gutom ay tiyak na mapupunta ang kanilang kaluluwa sa langit at mapalapit sa Diyos.

--Ads--

Ibinunyag din ng tumakas na miyembro ng kulto na may mga mass grave sa Shakahola forest malapit sa coastal town ng Malindi kung saan inililibing ang mga namamatay dahil sa gutom.

Ang lider ng kulto na si Paul Mackenzie at iba pang kasapi ng kulto ay inaresto ng mga otoridad at nakakulong na.

Sa ngayon ay nireregulate na ng Kenya ang pagtatatag ng mga simbahan upang hindi na maulit ang pangyayari.

Tinig ni Bombo International News Correspondent Roger Reyes Jr.