--Ads--

CAUAYAN CITY – Kaduda-duda ang pagkaka-cite in contempt ng Chief of Staff ng Office of the Vice President sa pagdalo nito sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Constitutionalist at Political Analyst, sinabi niya na isa sa mga rason kung bakit na-cite in contempt si Lopez ay dahil hindi umano nagustuhan at hindi naniniwala ang mga mambabatas sa mga sagot nito.

Nilinaw niya na maaaring ma-cite in contempt ang isang resource person kung hindi dumalo sa hearing, bigong makapag-bigay ng mga impormasyon o dokumentong hinihingi ng mga mambabatas at kung nanggugulo sa pagdinig.

Sa kaso aniya ni Lopez, ay wala umano siyang nakikitang dahilan para siya ay iditine dahil dumalo naman umano siya sa pagdinig at sinasagot ang tanong ng mga mambabatas.

--Ads--

Aniya, kung hindi man naniniwala ang mga mambabatas sa mga sinasabi ni Lopez ay kinakailangan pa rin nilang gumawa ng desisyon batay sa mga impormasyon na inilatag ng resource person.

Hindi rin anya angkop na dalhin sa women’s correctional facility ang isang resource person na na-cite in contempt dahil ito ay para lamang sa mga indibiduwal na nahatulan na ng korte.

Naniniwala naman si Atty Yusingco na posibleng may nangyayari nang abuse of authority sa mga mambabatas pagdating sa kanilang contempt power.

Samantala, naniniwala rin ang nasabing constitutionalist na posibleng pumasok na sa ground of impeachment ang mga pahayag na pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Bongbong Marcos.

Anya, posible anyang maituring na betrayal of public trust at betrayal to enforce the law and to enforce the constitution ang mga nasabing pahayag ng Pangalawang Pangulo.

Matatandaang sinabi ni Vice President Duterte na may kinuha na siyang hired killer na papatay kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyaring masama sa Bise Presidente.