CAUAYAN CITY- Kalansay na nang matagpuan sa lalawigan ng Ifugao ang isang lolo na mula sa Aurora, Isabela.
Magugunita na noong Enero 18, 2017 ay nawala si Amado Bartolome Simon, 68 anyos, residente ng Bagong Tanza, Aurora, Isabela at natagpuan noong February 22, 2017 sa San Jose, Alfonso Lista, Ifugao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mr. Rey Simon ng Bagong Tanza, Aurora Isabela, pamangkin ng biktima na nakita umano ng isang batang naghahanap ng baka ang bangkay ngunit hindi niya ito ipinaalam kaagad sa kanyang mga magulang.
Hindi umano makakain at nilalagnat ang bata sa loob ng tatlong araw at nang tanungin siya ng kanyang mga magulang ay sinabi nito na may nakita siyang bangkay ng tao na naihiwalay ang ulo.
Agad itong iniulat ng ama ng bata sa mga opisyal ng barangay at nakita ang bangkay sa gitna ng isang cassava plantation.
Nakitang kalansay na lamang ang naiwan sa bangkay ng biktima.
Ang tangi na lamang umano nilang naging pagkakilanlan sa biktma ay ang bala ng stapler sa ulo nito dahil sa ginawang operasyon sa kanya at ang pustiso nito.