Naapula agad ang sunog na naganap sa likurang bahagi ng isang National High School sa Barangay Silawit, Cauayan City, Isabela, matapos umanong mag-ignite ang mga nakatambak na gulong sa lugar.
Batay sa paunang ulat, nagsimula ang sunog nang magsunog umano ng basura ang isang school guard sa likurang bahagi ng paaralan.
Gayunman, dahil sa mga nakatambak na gulong sa naturang lugar, mabilis na kumalat at lumakas ang apoy dahilan upang agad na humingi ng tulong ang mga guwardiya sa Bureau of Fire Protection o BFP.
Bandang alas-6:45 ng gabi nitong Oktubre 29 nang makatanggap ng tawag ang mga awtoridad hinggil sa insidente.
Agad namang rumesponde ang mga bombero at naapula ang sunog, na idineklarang fire out bandang alas-7:20 ng gabi.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang pinsala at iba pang detalye kaugnay ng insidente.










