CAUAYAN CITY – Naaresto sa Echague, Isabela ang isang buntis na inmate na tumakas sa Gapan City Police Station sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ang naaresto ay si Marieta Balmeo, 36 anyos, tubong Sinabbaran, Echague,Isabela at pansamantalang nakatira sa Gapan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. Ruben Martinez, hepe ng Echague Police Station kanyang sinabi na si Balmeo ay unang dinakip sa paglabag umano ng Republic Act 9165 (Comprehensive dangerous Drugs Act of 2002) sa Gapan City, Nueva Ecija subalit tumakas noong Pebrero 21, 2017.
Dahil sa 7 buwang buntis ang suspek ay isinailalim sa check up sa ospital subalit sinamantala niyang tumakas nang bumili ng tubig ang mga bantay na pulis.
Sa tulong ng mga opisyal ng barangay sa Sinabbaran, Echague, Isabela ay muling naaresto si Balmeo kasama ang live-in partner na si Jordan Pascual, 24-anyos, residente ng San Nicolas, Gapan City na may mandamiento de aresto sa kasong paglabag RA 9262 (Anti-Violence Against women-and their children).