--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kasong direct assault ang isang welder matapos sapakin sa isang kasalan ang  barangay kapitan  ng Labinab Grande, Reina Mercedes,  Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula kay P/Sr. Insp. Bruno Palattao, hepe ng  Reina Mercedes Police Station,   isinampa na  kahapon ang kaso laban sa suspek na   si Melvin Respicio, 54 anyos  at residente sa nasabing  lugar.

Makakalaya lamang si Respicio kapag nakapaglagak ng  14,000 pesos na piyansa.

Ayon pa kay Sr. Insp. Palattao, hindi na nagsampa  ng kaso ang may-ari ng bahay kung saan siya nanggulo at naganap ang pananapak kay Barangay. Kapitan Rodrigo Pascual, 54 anyos. 

--Ads--

Tiniyak pa ng  hepe na  susubaybayan  nila   si  Respicio kapag  nakapaglagak    ng piyansa dahil   kabilang siya sa kanilang drug watchlist.

Maalala na tumugon ang barangay kapitan dahil nanggugulo sa  isang  kasalan si Respicio habang nasa impluwensiya ng  alak.

Sa halip na magpaawat ay patuloy sa pagwawala si Respicio  at  nasuntok nito nang ilang beses si Kapitan Pascual.

Una nang kinumpirma ni  Pascual na  nasangkot na si Respicio sa ilang  kaguluhan sa kanilang barangay.