CAUAYAN CITY – Inaasahang maibabasura ang panukalang batas na naihain sa kongreso ng magkakaroon ng compressed work days ang mga manggagawa.
Nakasaad sa panukalang batas na apat hanggang limang araw sa loob ng isang linggo ang pagtatrabaho ng mga manggagawa ngunit kinakailangan namang humaba ng 2 hanggang 3 oras ang kanilang pasok.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinabatid ni Kalihim Silvestre Bello III ng Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay o DOLE na sa pinagkasunduan ng labor at management ay ayaw nila ang panukalang batas.
Dito na rin ibinatay ng DOLE na tatanggihan din nila ang batas sa kongreso.
Ipinaliwanag ni Kalihim Bello na ayaw ng management na magkaroon ng apat na araw lamang na trabaho ng mga manggagawa dahil maapektuhan ang kanilang produksiyon
Maging ang mga manggagawa ay hindi rin sang-ayon sa nasabing panukala dahil maaaring maka-apekto sa kanilang kalusugan ang mahabang oras na pagtatrabaho.
Dahil dito sinabi ni Kalihim Bello na ipinasya niya na hindi na rin nila sasang-ayunan ang panukala dahil hindi rin sang-ayon ang labor at management




