--Ads--

Nahaharap sa malaking pagbabago ang Business Process Outsourcing (BPO) industry sa Pilipinas dahil sa mabilis na paglaganap ng Artificial Intelligence (AI), na posibleng magresulta sa pagkawala ng trabaho ng libo-libong manggagawa dahil sa automation ng mga serbisyo.

Batay sa ulat, aabot sa 1.89 million ang manggagawa sa BPO industry noong 2025, na nakapagtala ng 40.3 billion dollars na kita.

Gayunman, tinatayang nasa 306,000 manggagawa ang posibleng mawalan ng trabaho pagsapit ng 2030 dahil sa AI, kabilang ang mga call center agent, data-entry clerk at bank teller na kabilang sa mga trabahong mataas ang posibilidad na mapalitan ng automation.

Dahil dito, ibinaba rin ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) ang target nitong bilang ng manggagawa sa 2.14 million pagsapit ng 2028, mula sa dating 2.5 million, kasabay ng pagbaba ng target na kita sa 50.5 billion dollars mula sa 59 billion dollars.

--Ads--

Binigyang-diin sa ulat na kailangang pagtuunan ng pansin ang pagsasanay at pagpapahusay ng kakayahan ng mga manggagawa upang makasabay sa AI technology at makalipat sa mas mataas na antas ng trabaho, sa halip na tuluyang mawala sa BPO industry.