CAUAYAN CITY– Magsasagawa ng inspeksyon ang mga kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Mateo sa mga high risk residential area o dikit-dikit na mga bahay maging sa mga terminal ng bus at pamilihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Francisco Mateo, ang fire marshal ng BFP-San Mateo, kanyang sinabi na pangunahin nilang sinusuri ay kung may mga sub-standard na christmas lights na pangunahing pinagmumulan ng sunog ngayong panahon ng kapaskuhan.
Magbibigay din aniya sila ng mga leaflets na naglalaman ng mga impormasyon kung paano maiwasan ang sunog.
Mag-iinspeksyon din sila sa mga terminal ng bus upang masuri ang mga kagamitan ng mga biyahero na maaring pagmulan ng sunog.
Patuloy din ang kanilang pagpapaalala sa mga mamamayan na mag-ingat at sumunod sa panuntunan upang maiwasang mabiktima ng sunog.




