CAUAYAN CITY- Nahaharap sa kasong physical injury at resistance and disobedience to an agent of person in authority ang isang bading na nasangkot sa kaguluhan sa Brgy. District 1, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo sa Cauayan City Police Station, ang sasampahan ng kaso ay si Alvin Ramos, 24 anyos at residente ng nasabing lugar.
Kasong physical injuri ang isasampa laban kay Ramos matapos kaladkarin ang babae na kinilalang si Marissa Santos ng nasabi ring lugar.
Sasampahan din siya ng kasong resistance and disobedience to an agent of person in authority dahil sa pagmumura at panunumbat sa mga barangay tanod na tumugon sa lugar.
Nauna rito ay tumugon ang mga barangay tanod dahil sa sumbong na sina Ramos at Santos ay nagkaroon ng pag-aaway matapos ang kanilang inuman.
Sa halip na magpatawad ay nagsalita umano ng masasama si Ramos na dahilan upang dalhin siya sa himpilan ng pulisya.
Desidido ang dalaga sa pagsasampa ng kaso laban kay Ramos.
Nauna rito, nag-inuman ang dalawa kasama ang mga kaibigan at nang humingi ng pamasahe ang pinaghihinalaan sa dalaga ay hindi siya binigyan bagay na kanyang ikinagalit.
Nakahanda ring magsampa ng kaso ang suspek na si Ramos dahil sa pagpalo sa kanya ng mga tumugon na mga barangay tanod.




