CAUAYAN CITY – Ginawaran ng Medalya ng Kagalingan o PNP Medal of Merit ang hepe ng Divilacan Police Station dahil sa maagap na pagtugon sa pagkakatagpo sa baybayin ng Divilacan, Isabela sa isang container na mahigit 18.8 kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng halos 80 million pesos.
Ang Medal of Merit ay iginawad mismo ni P/Chief Supt. Jose Mario Espino, bagong regional director ng Police Regional Office Number (PRO-2) kay P/Sr. Inspector Jonathan Ramos, hepe ng Divilacan Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Sr. Inspector Ramos na ang award na kanyang natanggap ay hindi lamang para sa kanya kundi para sa lahat ng mga mamamayan ng Divilacan na nagpapamalas ng pagpapahalaga sa kampanya laban sa illegal na droga.
Maliban kay P/Sr. Inspector Ramos ay pagkakalooban din ng komendasyon ang lahat ng mga kasapi ng Divilacan Police Station na kanilang tatanggapin sa PRO-2 sa Lunsod ng Tuguegarao sa susunod na mga araw.
Aniya inaayos lamang ang report upang pormal na maigawad sa kanila ang komendasyon para kilalanin ang kanilang nagampanan sa pagkaka-recover ng cocaine sa baybayin ng Divilacan, Isabela.
Ang container na naglalaman ng cocaine ay natagpuan noong February 5, 2018 nina Wardly Centeno, 30 anyos at Randy Guillermo, 39 anyos, kapwa speedboat operator at ipinasakamay sa mga opisyal ng kanilang barangay na siya namang nagpasakamay sa Divilacan Police Station.




