--Ads--

CAUAYAN CITY – Labindalawang piraso ng bala ng grenade launcher ang natagpuan ng mga bata habang naglalaro sa drainage canal sa Antagan 1st, Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. Noel Magbitang, hepe ng Tumauini Police Station, ang barangay kapitan ng Antagan 1st ang mismong nagsuko sa mga natagpuang bala.

Tinataya umanong nasa isang buwan pa lang mula nang nailagay ang mga ito sa drainage canal dahil wala pang kalawang at maaari pang gamitin.

Ayon kay Chief Inspector Magbitang, sinabi ng barangay kapitan na wala silang napag-alaman na mga bagong mukha na nagtungo sa kanilang lugar .

--Ads--

Ang mga bala ng M203 grenade launcher ay kasing lakas at kasing laki ng hand grenade ngunit tiniyak ni Chief Inspector Magbitang na hindi ito sasabog kapag hindi ginamitan ng rifle grenade.

Wala umanong CCTV camera sa naturang lugar na makakatulong upang matukoy kung sino ang naglagay ng mga ito sa drainage canal.

Iniimbestigahan na ng Tumauini Police Station kung paano napunta sa kanal ang 12 bala ng grenade launcher.