CAUAYAN CITY – Patuloy na sinisiyasat ng pulisya ang naganap na robbery o pagnanakaw sa mga computer sa Antutot Elementary School sa Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Supt Joseph Dela Cruz, Public Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office na sa pagtungo umano ng gurong si Gng. Emelinda Liwan sa naturang paaralan ay nakita umano niya na nagiba na ang pintuan ng silid aralan na kinaroroonan ng mga computer sa nasabing paaralan.
Batay sa pagsisiyasat ng Kasibu Police Station, anim na computer at isang mother unit ng CPU ang natangay sa naturang paaralan.
Anya, bagamat may nagbabantay ay hindi naman 24 oras na binabantayan ang nasabing paaralan.
Nanawagan ang opisyal sa sinumang nakakita sa magnanakaw na ipagbigay sa himpilan ng pulisya.
Umapela din ang mga pulis sa mga guro na iuwi muna ang mga Computer sa kanilang bahay ngayong bakasyon at maglagay ng guwardiya sa paaaralan.




