--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa 139 katao ang nahuli ng Santiago City Police Office (SCPO) na lumabag sa Presidential Decree 96 o Anti-Wangwang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Sr. Supt. Percival Rumbaoa, City Director ng SCPO, nagsagawa sila ng malawakang implementasyon ng nasabing batas dahil nais umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na hulihin at kumpiskahin ang mga mayroong inilalagay sa mga motor o sasakyan na maiingay at nakakasilaw na gamit na maaring pagmulan ng aksidente sa lansangan.

Dahil anya sa pinaigting na pagpapatupad ng nasabing batas ay may mga personal na nagtutungo sa kanilang himpilan na isuko ng kanilang mga gadget na nakakabit sa kanilang mga sasakyan.

Binigyang diin pa ni Senior Supt. Rumbaoa na ang mga mahuhuli sa pangalawang pagkakataon ay may multang P/600.00 at posible pang makulong ng anim na buwan.

--Ads--

Anya namimigay din sila ng fliers sa mga mamamayan upang bigyan ng kaalaman ang lahat hinggil sa ipinapatupad na Anti-Wangwang.

Pinupuntahan din anya ng mga pulis ang mga Auto shop upang ipaalam na bawal ang pagkakabit ng anumang bagay sa motorsiklo at sasakyan na maaaring magdulot ng aksidente.