--Ads--

Kolehiya, magpapakasal kasunod ng libing ng kasintahang pinatay

CAUAYAN CITY – Nagpasya ang 19 anyos na kolehiyala na magpakasal ngayong umaga kasabay ng paghahatid sa huling hantungan sa kanyang kasintahang namatay matapos sadyang banggain ang minamanehong motorsilo ng kotse ng kanyang nakaaway sa isang bahay kainan sa San Fermin, Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng dalagang si Zyreen na sa kabila na patay na ang kanyang kasintahan na si Jake Anthony Macadangdang, 22 anyos ay nais pa rin nitong pakasalan.

Aniya, noong nasa high school pa sila magkasintahan ni Macadangdang at balak magpakasal kapag natapos sila ng pag-aaral.

--Ads--

Si Jake  ay nagtapos na ng kanyang pag-aaral at nakatakdang mangibang bansa habang si Zyreen ay nasa huling taon sa kolehiyo.

Sinabi ng dalaga na gusto niyang tuparin ang pangako sa kasintahan na kasal at nais niya itong gawin kasabay ng libing ni Macadangdang ngayong umaga.

Ang seremonya ng kasal ay isasagawa sa sementeryo bago ilibing ang binata.

Samantala, inihayag ni Atty. Randy Areola na ang kasal ay sa pagitan ng buhay ng mga tao at sakaling magkaroon ng marriage ceremony ay hindi ito maaaring mai-parehistro at gawing legal.

Inihayag naman ni Father Vener Ceperes, kura paroko ng Saint Anthony De Padua Parish Chruch sa Reina Mercedes, Isabela na ang maituturing na kasal ay sa pagitan ng dalawang buhay na babae at lalaki.