--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinampahan ng patong-patong na kaso sa Ombudsman ang mayor at pitong department heads ng Cabatuan, Isabela.

Ang kasong Malversation of Public Funds, Serious Dishonesty, Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority and Conduct Prejudicial to the best Interest of the Service ay isinampa laban kay Mayor Charlton Uy nina Sanguniang Bayan Member Bernardo Garcia Jr kasama si dating Mayor Dr. Cid Dayrit.

Nag-ugat ang reklamo sa ipinalabas na COA Report para sa 2017 na nakitaan ng umanoy kuwestyonableng transaction ng LGU Cabatuan sa 42 procurement na nagkakahalaga ng mahigit 17 Million pesos.

Batay sa reklamo, hindi nila agad binigyang pansin ang ipinadalang mga dokumento subalit ng mapagkumpara at pinag-aaralanl ang mga dokumento ay natuklasang iisa lang ang supplier ng mga kagamitan na binili ng LGU na kinabibilangan ng mga firetruck, multicab, medical equipment, generator, water pumps, street lights, engine transmissions beauty products at iba pa na mula sa Rhozle Jonahs Enterprises.

--Ads--

Iginiit din ng mga complainant na hindi kwalipikadong maging bidder ang supplier dahil hindi nakamit ang mga requirements na pagiging bidder batay sa itinatadhana ng Republic Act 9184 o Government Procurement Act

Maliban dito ay mayroon pang mga nakitang hindi tugma sa pagbabayad gayundin sa mga Certificate of registration ng 12 units ng multicab na naibenta sa LGU noong Pebrero 19, 2018 subalit sa naturang petsa ay nakitang hindi ang nasabing supplier ang nakapangalan.

Tinawag naman ni Mayor Charlton Uy na pamumulitika ang ginawang hakbang ng mga complainant dahil sa nalalapit na halalan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni Mayor Charlton Uy na nakahanda silang sagutin ang mga reklamo sa kanila sa tanggapan ng Ombudsman.

Dumaan aniya ang lahat ng nga proyekto sa bidding kaya hindi ito maituturing na illegal.

Iginiit pa ni Mayor Chalton Uy na halatang idinidiin siya dahil sa natuklasan nito ang ginawang pagpilit sa ilan sa kanyang department heads na magsalita laban sa kanya.

Iginiit din niya na hindi niya kilala ang naturang bidder.

Samantala, Batay sa Audit Observation and Recommendation noong nakaraang taon lalo na sa Financial Audit, napag-alaman na hindi naitala sa LGU ang 14 infrastructure projects na nagkakahalaga ng mahigit 16 million pesos.

Dahil dito ay inirekomenda sa municipal accountant na magkaroon ng Journal entries para sa property plant and equipment at Government Equity Accounts.

Nahalungkat din ang pagkakaiba ng presyo ng isang multicab sa sampung multicab, sampu rito ang naipamahagi sa mga barangay na nagkakahalaga ng mahigit Php249,000.00 habang ang isang multicab na naiwan para sa water system ng LGU ay may halagang mahigit Php59,000.00 na mas mahal kumpara sa kabuoang bayad ng sampung multicab.

Batay sa hiwalay na complaint Affidavit ni Mayor Cid Dayrit na kanyang inihain sa sa Anti Graft Division, hiniling niya na magkaroon ng imbestigasyon sa pagbili ng lote para sa pagpapatayuan Coliseum.

Hinala nito nagkaroon ng sabwatan ang pamilya ni Mayor Uy dahil pag-aari umano ng hipag ng kanyang kapatid ang lupa na binili ng LGU sa halagang 10 million pesos.

Una rito ay kinansela ang ipinasang ordinansa na nagpapahintulot kay Mayor Uy sa pagbili ng lote dahil sa nakitaan ng personal na interest.

Batay kasi sa Transfer Certificate of Title, nakapangalan kay Loreta Vda. de Duran subalit ang deed of sale ay nakapangalan sa kapatid ng misis ng kapatid ng alkalde na si Christopher Uy na kanya namang mariing itinanggi.

Aniya, ang lupa ay katabi lamang ng lupa na pag-aari ng hipag ng kanyang kapatid.