--Ads--

CAUAYAN CITY- Nahukay ng backhoe ang isang malaking vintage bomb na tumitimbang ng 200 kilograms sa construction site ng isang eskwelahan sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Inspector Villegas Claveria, hepe ng Bambang Police Station na kasalukuyan ang construction ng Kings College of the Philippines at nagpapatayo sila ng gusali nang matagpuan ang malaking vintage bomb.

Naghuhukay ang backhoe upang mapatag ang bundok na bahagi ng paaralan nang mapansin ng operator na mayroon siyang malaking nahukay na inakalang ginto.

Subalit laking takot niya nang makitang malaking bomba ang kanyang nahukay kayat agad siyang lumayo sa lugar at ipinagbigay sa mga otoridad.

--Ads--

Agad namang tumugon ang mga pulis at sinuri ang bomba na agad nilagyan ng police line.

Ayon kay P/Chief Inspector Claveria, umabot sa 10 na tao ang bumuhat sa bomba at dinala na sa Bambang Police Station.

Naniniwala ang hepe ng pulisya na ang vintage bomb ay ginamit ng mga sundalong Amerikano laban sa puwersa ng mga Hapon noong World War II dahil sa nasabing lugar itinayo ang Camp 9 ng Japanese Imperial Army noong 1941.

Nakatakda nilang ipasakamay sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang malaking vintage bomb.