--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang dalawang pulis matapos mahulog sa lansangan at bumaligtad ang sinasakyan nilang SUV sa pambansang lansangan na bahagi ng barangay Brgy. M.H. Del Pilar, Alicia, Isabela.

Ang sangkot na sasakyan ay ang Montero Sport, na minamaneho ni PO1 Floyd Mamauag,30 anyos, may asawa, residente ng barangay District 2, Gamu, Isabela at sakay nito sina PO1 Brian Don Mendoza, 24 anyos, binata at residente ng Centro Norte, Camalaniugan, Cagayan; PO1 Rommel Cabansag, 26 anyos, may asawa, residente ng Lungsod ng Ilagan, at si PO1 Robin Catulin, 24 anyos, binata at residente ng Larion Bajo, Tuguegarao City na pawang nakatalaga sa PNP Aviation Group, National Capital Region.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Alicia Police Station, na patungong south direction ang sinakyan ng mga pulis nang tinangkang mag-overtake sa sinusundang sasakyan subalit dahil sa may kasalubong na sasakyan ay bumalik siya sa kanyang linya.

Gayunman, dahil sa umuulan ay basa at madulas ang daan ay nawalan ng kontrol si PO1 Mamauag at bumaligtad ang SUV.

--Ads--

Nagtamo ng mga sugat sina Mamauag at Catulin na dinala naman sa pribadong ospital para malapatan ng lunas.

Ayon sa pulisya sadyang madulas umano ang nabanggit na bahagi ng lansangan kung saan marami na umanong naaksidenteng sasakyan sa naturang lugar.