--Ads--

CAUAYAN CITY – Labis na nagdadalamhati ngayon ang mga magulang ng magpinsang bata na nasawi sa pagkalunod sa mini-hydro sa Villa Beltran, Ramon, Isabela.

Natagpuan kaninang madaling araw ang bangkay ng dalawang bata sa malalim na bahagi ng mini-hydro kung saan sila nahulog at nalunod dakong 4:30 kahapon.

Ang mga biktima ay sina Brix Xavier Fernandez , 10 anyos at Sweetzel Fernandez, 9 anyos, kapwa mag-aaral at residente ng Bugallon Proper, Ramon, Isabela

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PO2 Joel Nastor, investigator ng Ramon Police Station na pumunta ang 2 bata sa burol ng kanilang kamag-anak sa barangay Villa Beltran at habang naglalaro sila ay aksidenteng nahulog sa mini hydro.

--Ads--

Wala silang kasama kaya isang concerned citizen ang tumawag sa Rescue 316 ng Ramon Local Government Unit (LGU) at Ramon Police Station para makuha ang katawan ng mga bata.

Natagpuan ang bangkay ng magpinsang bata ng mga taong sumisid sa malalim na bahagi ng mini-hydro.