--Ads--

CAUAYAN CITY -Patay ang isang 4 anyos na bata habang anim ang sugatan sa salpukan ng motorsiklo at tricycle sa national highway sa barangay Minanga, San Mariano, Isabela.

Ang namatay ay si Rexie Jean Taggapan na residente ng Dibuluan, San Mariano, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa San Mariano Police Station ang batang biktima at ina nito na si Julie Taggapan ay nakaangkas sa motorsiklong minamaneho ng kanyang ama na si Ericson Taggapan, 37 anyos.

Habang binabagtas ng motorsiklo ang national highway ay nag-overtake si Taggapan sa isang sasakyan subalit nakabanggaan ang kasalubong na tricycle na minamaneho ni Ericson Magundayao, 24 anyos at residente ng Minanga, San Mariano, Isabela.

--Ads--

Dahil sa lakas ng banggaan ay agad na namatay ang batang si Rexie Jean na nakasakay sa harapan ng motorsiklo.

Sugatan din ang mag-asawang Taggapan at ang tsuper ng tricycle na si Magundayao.

Sugatan din ang tatlong mag-aaral na sakay ng tricycle na sina Maryjoy CaƱaberal, 17 anyos, residente ng Zone 3, San Mariano; Ronalyn Calixtro, 17 anyos, residente ng San Jose, San Mariano at Joan Guiquing, 17 anyos na residente ng San Mariano, Isabela.

Dinala sa pagamutan ang mga biktima upang malapatan ng lunas at matapos lapatan ng lunas ang tsuper ng tricycle na si Ericson Magundayao ay dinala sa San Mariano Police Station para sa kaukulang disposisyon.