--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang drayber ng tricycle, lima ang nasugatan matapos bumangga sa dalawang sasakyan ang isang kotse na minamaneho ng isang 15 anyos na nawalan ng kontrol sa sasakyan sa pakurbang bahagi ng Maharlika Highway sa Guibang, Gamu, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), ang Toyota Corolla na minamaneho ng binatilyong si Franco, Grade 9 student at residente ng Guinatan, City of Ilagan ay napunta sa shoulder ng daan kung saan nakaparada ang isang tricycle.

Matapos mabangga ng kotse ay nabangga ng tricyce ang nakatayo sa shoulder ng daan na si Amelia Capalungan, 45 anyos na nasa kritikal umanong kondisyon.

Nabangga rin ang paparating na Toyota Vios na minamaneho ni John Carlo Manglanlan, 24 anyos, collector at residente ng San Manuel, Naguilian,Isabela.

--Ads--

Namatay ang tumilapon na driver ng tricycle na si Eusebio Paguirigan ng Upi, Gamu, Isabela dahil sa mga malubhang sugat sa katawan.

Dinala sa ospital ng DART Rescue 831 si Capalungan, ang dalawang driver ng dalawang kotse at tigdadalawa nilang sakay para malapatan ng lunas.