CAUAYAN CITY – Binuksan kaninang umaga ng Cauayan City National High School (CCNHS) ang Tindahan ni Juan TAPAT kasabay ng paglulunsad nila sa Project WATCH o We Advocate Time Consciousness and Honesty.
Ang Project WATCH ay isang programa ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd at Junior Chamber International (JCI) upang isulong ang pagbibigay ng halaga sa oras at pagiging tapat.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, ang punong guro ng CCNHS, sinabi niya na kasabay ng paglulunsad nila sa programa ay nabuksan ang Tindahan ni Juan TAPAT.
Ang TAPAT ay Tindahang Ang Pagkain Ay Tunay na Masustansiya.
Hindi tulad ng pangkaraniwang tindahan ay wala umanong nagbabantay sa Tindahan ni Juan TAPAT at bahala na ang mga bumibiling mag-aaral o guro na kumuha ng paninda at magbigay ng bayad.
Bahagi ng kikitain sa tindahan ay mapupunta sa mga maghahanda ng mga ibebentang pagkain habang ang iba pang kita ay para sa insentibo ng mga mag-aaral o sino man na magbabalik ng mga naiwan o nahulog na gamit at pera sa loob ng paaralan.
Isinabay din sa paglulunsad ng Project WATCH ng CCNHS ang pamamahagi ng log book sa bawat klase upang mamonitor ang oras ng pagpasok ng mga estudiyante.
Ang mga mag-aaral at kawani ng paaralan na palaging maaga sa pagpasok at may kumpletong attendance ay bibigyan ng pagkilala at insentibo.
Umaasa si Dr. John Mina na muling makilala ang kanilang paaralan bilang isa sa mga best implementor ng Project WATCH sa bansa.
With reports from Bombo Kervin Gammad
Photo Credit: Marya Teresa