CAUAYAN CITY – Sinampahan ng patung-patong na kaso ang isang dating miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na inaresto dahil sa panggagahasa nang maraming beses sa kanyang pamangkin at makumpiskahan ng mga bala at magazine ng M16 sa Bayombong Nueva, Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt George Maribbay, hepe ng Bayombong Police Station, sinabi niya nangyari ang unang panggagahasa sa dalagita noong Disyembre, 2018.
Ito ay naulit noong Enero 2019 at mula noon ay paulit-ulit na umanong ginagalaw ang biktima kapag nalalasing ang suspek at wala ang kanyang misis.
Hindi agad nagsumbong ang dalagita dahil sa pananakot sa kanya ng suspek.
Nang mapansing nagbabago ang hubog ng katawan ng dalagita ay saka lamang niya ipinagtapat na ginagahasa siya ng kaniyang tiyuhin.
Ayon kay PCpt Maribbay, nasa grade 2 ang biktima nang kupkupin ng pinaghihinalaan at ngayon ay nasa high school na.
Inamin ng suspek ang panggagasa sa pamangkin na tatlong buwan nang buntis.
Kinasuhan ang dating CAFGU member ng rape, paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Siya ay nakakulong ngayon sa lock up cell ng Bayombong Police Station sa Bayombong, Nueva Vizcaya.