CAUAYAN CITY – Inamin ng bagong upong mayor ng San Mateo, Isabela na si Ret. PCol Gregorio Pua na malaking hamon at insulto sa kanyang administrasyon ang pagbaril at pagpatay sa kanyang itinalagang municipal administrator na si dating Board Member Napoleon “Nap” Hernandez.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Pua na malaking kawalan ang kanyang kaibigan at partner na si Hernandez na inilarawan niyang magaling sa halos lahat ng aspeto lalo na sa local governance at pulitika.
Labis na nalulungkot at nanghihinayang si Mayor Pua dahil pinatay ang makakatuwang sana niya sa pagpapatakbo sa kanyang administrasyon sa bayan ng San Mateo.
Tiniyak ni Mayor Pua na hindi sila titigil sa pagsisiyasat sa lahat ng anggulo hanggang matukoy at mapanagot ang mga salarin.
Kinumpirma ni Mayor Pua na tinanggap ni dating LMB Federation president Nap Hernandez ang kanyang alok sa kanya na maging municipal administrator.
Magkakasama sila sa aniya sa auditorium ng San Mateo at matapos ang early dinner ay nagtungo sila kagabi sa Cabatuan, Isabela para sa oath taking ni Mayor Charlton “Tonton” Uy.
Kasama sana nila si Hernandez ngunit pinili niyang makipag-usap muna sa mga department heads ng munisipyo.
Napatagal ang kanilang meeting at hindi na nakasunod sa Cabatuan, Isabela hanggang matanggap nila ang tawag na binaril si Hernandez kaya agad silang nagtungo sa ospital kung saan siya isinugod.
Kasama niya na nagtungo sa ospital sina Gov. Rodolfo “Rodito” Albano III at Vice Gov. Faustino”Bojie” Dy III.
Tiniyak ni Mayor Pua na hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa pagpatay kay dating board member Nap Hernandez.