--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinondena ng pamunuan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang pagpatay ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isang environmental officer ng Task Force Kalikasan at sa kanilang pagtake-over kahapon sa DENR at LGU checkpoint sa Sindon Bayabo, Lunsod ng Ilagan kung saan nila kinuha ang 2 baril ng dalawang pulis na dumaan at magdadala sana ng kanilang compliance report sa kanilang provincial headquarters.

Ang mga inagawan ng dalawang Glock 9mm service firearms ay sina PMSgt Jun Luis Baribad at PCpl Bryan Balisi, kapwa miyembro ng Divilacan Police Station sa coastal town ng Divilacan, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinumpirma ni PCol Mariano Rodriguez, provincial director ng IPPO ang pagpatay kay Environmental Officer Celso Asuncion ng Task Force Kalikasan.

Kinondena ni Rodriguez ang ginawa ng mga rebelde at iginiit na hindi sagot ang karahasan para ipabatid ang kanilang pagtutol sa pagpapaalis sa mga illegal settlers sa forest protected area sa Sitio Laguis, Sindon Bayabo.

--Ads--

Idinamay pa nila aniya ang dalawang pulis na iniimbestigahan ngayon ng Police Regional Office (PRO2) dahil sa pang-aagaw ng mga rebelde sa kanilang mga service firearms.

Ang tinig ni PCol Mariano Rodriguez

Inako naman ng Reynaldo Piñon Command ng (RPC-NPA) ang pagtake-over sa checkpoint ng DENR at LGU Ilagan kung saan naharang ang dalawang pulis.

Sa statement ng Reynaldo Piñon Command, inamin ang panghaharass sa checkpoint bilang tugon sa umano’y pagpapalayas at paggiba sa mga bahay ng mga magsasakang matagal nang naninirahan sa Sitio Laguis sa barangay Sindon Bayabo.

Inihayag pa nila na dati nang nakaposisyon ang mga magsasaka at napaunlad na ang lupa bago ang Ilagan-Divilacan Road Rehabilitation Project at ang deklarasyon na protektado ang Northern Sierra Madre Natural Park noong 2001.

Sa survey ng DENR noong 1991 ay hindi umano kasama ang Laguis protected area.

Samantala, inako rin ng RPC-NPA ang pagpatay kay Asuncion dahil umano sa pagiging asset ng Philippine Army.

Tinawag pa nilang bantay-salakay si Asuncion dahil kasabwat umano ng mga illegal logger na sumisira sa binabantayang kabundukan ng Sierra Madre.

Pinagsabihan na umano siya noong 2006 ngunit nagpatuloy sa kanyang mga gawain.