CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng parallel investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) Isabela sa pagbaril at pagpatay kay dating Board Member Napoleon “Nap” Hernandez noong gabi ng July 1, 2019 habang binabagtas ng minamanehong kotse ang daan sa Dagupan, San Mateo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Tim Rejano, panlalawigang director ng NBI Isabela na kapag nakakalap sila ng matatag na ebidensiya ay ibabahagi nila ito sa Philippine National Police (PNP) na siyang lead investigator sa pagpaslang kay Hernandez.
Aniya, mahirap magbintang kaugnay ng sinasabing pangunahing utak sa pagpaslang sa biktima dahil wala pang ebidensiya.
Ang gagawin nila ay tutukuyin ang gunman sa pamamagitan ng pagsusuri sa lahat ng mga naging biktima ng riding-in-tandem criminals sa Isabela para mapag-aralan kung iisang grupo lang ang mga gun for hire.
Hihilingin din ng NBI Isabela ang tulong ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) para pag-araalan ang mga bala na narecover sa crime scene at ikumpara para malaman kung galing sa iisang baril.
Ayon kay Atty. Rejano, may nakakita umano sa mukha ng bumaril kay Hernandez at nakuha ang plate number ng ginamit na sasakyan.
Aniya, magsasagawa rin ang NBI Isabela bilang fact finding body ng background sa pangyayari para matukoy ang mga personalidad na puwedeng may kakagawan sa pagpatay kay Hernandez tulad ng kanyang mga nakaalitan.
Kailangan aniya ang masusing pagsisiyasat sa iba’t ibang anggulo at motibo para matukoy ang mga suspek at utak sa krimen.