--Ads--

CAUAYAN CITY – Daan-daang mga mamamayan ang dumalo sa prayer rally na isinagawa kahapon sa Freedom Park sa San Mateo, Isabela para ipanawagan ang hustisya sa pagbaril at pagpatay noong July 1, 2019 kay dating Board Member Napoleon “Nap” Hernandez, bagong talagang municipal administrator ng LGU-San Mateo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Bayan member Jonathan Galapon ng San Mateo, sinabi niya na ang prayer rally ay dinaluhan ng maraming tagasuporta ni Hernandez kabilang ang mula sa iba’t ibang religious group.

Aniya, halos lahat ng mga dumalo sa prayer rally ay nakasuot ng puting damit na may nakasulat na ‘Justice for Napoleon Hernandez Jr.’

Dumalo rin sina SB members Arvin Barangan, Alvin Cabacungan at Micahel Angelo Ramones na kabilang sa mga nagsalita.

--Ads--

Naglakad sila mula sa Freedom Park sa centro ng San Mateo patungo sa barangay Dagupan kung saan binaril ng riding-in-tandem suspect si Hernandez habang minamaneho ang kanyang kotse.

Ayon pa kay SB member Galapon, labis ang kanilang panghihinayang dahil pinatay si Hernandez kung kailan siya bumalik sa kanilang bayan mula sa matagal na panahon na paglilingkod niya sa pamahalaang panlalawigan.

Siya ay naging ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan bilang Liga ng mga Barangay Federation president at bilang Farmers sectoral representative at naging chief of staff ni Mayor Kiko Dy ng Echague, Isabela.

Ang tinig ni SB member Jonathan Galapon

Samantala, inaasahan nila ang pagpunta ng mga opisyal ng lalawigan tulad nina Gobernor Rodito Albano at Vice Gov Bojie Dy sa huling araw ng burol ni Hernandez ika-9 ng Hulyo.