CAUAYAN CITY – Mechanical defect ang lumabas sa imbestigasyon ng Aguinaldo Police Station na dahilan ng pagkahulog sa bangin ng isang Elf truck na nagbunga ng pagkamatay ng 7 na sakay at ikinasugat ng 3 iba pa.
Ang tatlong nasugatan ay sina sina Artisto Paynohon, dinala sa isang ospital sa Santiago City at Kimberly Joy Tambiag na dinala sa Aguinaldo People’s Hospital at si Fernando Bahiwag, pawang residente ng Aguinaldo, Ifugao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Ricardo Dumangeng, hepe ng Aguinaldo Police Station, sinabi niya na galing ang sasakyan sa barangay Majlong, Aguinaldo, Ifugao at papunta sa bayan ng Alfonso Lista, Ifugao nang mangyari ang trahedya.
Ang ibang sakay ng truck ay pupunta sana sa isang lamay habang ang iba ay pupunta sa public market ng Alfonso Lista, Ifugao.
Habang binabagtas ng Elf truck ang pababa at pakurbadang bahagi ng daan ay nawalan ng preno ang sasakyan kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper na si Joey Tambiag.
Sumadsad sa tabi ng daan ang truck at nahulog sa bangin na tinatayang nasa 10 metro ang lalim.
Bumaliktad ang truck at nadaganan ang mga sakay nito kaya marami ang dead-on-the spot habang ang ikapitong nasawi na si Vicente Buyag-ao na nakisakay lamang umano ay nadala pa sa ospital ngunit binawian ng buhay.
Ang iba pang namatay ay sina Divina Tambiag na misis ng driver, Whilma Chumatog, Josephine Uhuban, Ricky Chog-ap at Rosita Paynohon, pawang residente ng Majlong, Aguinaldo, Ifugao.