CAUAYAN CITY – Nagpadala na ang pamahalaang panlalawigan ng Quirino ng isang milyong pisong halaga ng mga family food packs para sa mga biktima ng lindol sa Itbayat, Batanes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) Jun Pagbilao, sinabi niya na kabuuang 2,000 family food packs ang kanilang ipinadala sa Batanes batay sa kautusan ni Governor Dakila Cua.
Ayon pa kay Ginoong Pagbilao, dahil sa sistematikong paraan nila ay mabilis nilang nairepack kahapon ang mga ready to eat food items para sa mga biktima ng pagyanig.
Ang bawat family food pack na nagkakahalaga ng limang daang piso ay ipinadala sa pamamagitan ng eroplanong mula sa Palawan matapos silang makipag-ugnayan kay Palawan Governor Jose Alvarez.