CAUAYAN CITY – Naniniwala si Army Major Amado Gutierrez, Division Public Affairs Officer (DPAO) ng 7th Infantry Division Philippine Army na nakahimpil sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija na inatake ang kampo ng mga CAFGU sa Maguyepyep, Sallapadan, Abra dahil sa pagdeklara ng barangay na persona non-grata sa Communist Party of the Philippines New People’s Army (CPP-NPA).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Army Maj Amado Gutierrez na malinaw na nilabag ng New People’s Army (NPA) ang rules ng barangay dahil kahit hindi na sila tanggap ay pinasok pa rin nila ang naturang lugar at hinarass ang kampo ng CAFGU na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang CAFGU na sina Danny Wacquisan at Gordon Gallao.
Matapos ang sagupaan ay agad tumakas ang mga rebeldeng grupo.
Agad namang nagpadala ng tatlong platoon ang 24th Infantry Batallion Philippine Army para tugisin ang mga rebeldeng grupo.
Sinabi pa ni Army Maj Gutierres na kinikilala ng pamunuan ng 7th Infantry Division ang kabayanihan ng dalawang CAFGU na nasawi sa nasabing sagupaan.
Tiniyak niya ang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng mga nasawing CAFGU.
Top