CAUAYAN CITY – Umabot na sa higit 9 million pesos ang halaga ng ayuda na naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 sa mga mamamayan na naapektuhan ng malawakang pagbaha sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD region 2, sinabi niya na nakapagkaloob na sila ng mahigit 9.7 milyong piso na tulong sa mga lumikas sa lalawigan ng Cagayan at Isabela dahil sa pagbaha.
Aniya, kabilang sa mga natanggap na tulong ng mga lumikas ay 18,101 family food packs, mga food items, sleeping kits na nagkakahalaga ng 1.8 milyon at 1,388 kitchen kits o mga kagamitan sa pagluluto na umaabot sa milyong piso.
Ayon kay Ginoong Trinidad, sa Cagayan ay mayroon na silang naibigay na nasa 6.8 million habang sa Isabela ay nasa 2.9 million pesos.
Samantala, mayroon pa ring 42 evacuation centers ang bukas sa rehiyon at nananatili ang 1, 123 na pamilya na evacuees habang may 2,848 na pamilya ang nakikitira muna sa kanilang mga kamag-anak.
Tiniyak ni Ginoong Trinidad na sapat ang tulong na ibinibigay sa kanila.
Aniya, 24/7 pa rin ang duty ng kanilang mga disaster response team gayundin ang kanilang mga tauhan na nasa lugar na may mga bukas na evacuation centers para matiyak na maibibigay agad ang kanilang pangangailangan.
Umaasa sila na tuluyan ng huhupa na ang baha para makauwi na rin ang mga evacuees pangunahin na sa Cagayan.












